Isang Cellphone,Mga hikaw at dalawang libong piso,
Mga nakulimbat ko sa araw na ito.
Sapat nang pangkain sa isang buong Linggo
Pati pang yosi at pantaya ng lotto.
Agad akong dumiretso sa aking kaibigan,
Na palaging nakatambay sa pasugalan.
Ibinenta ang mga bagay na aking ninakaw,
Pagkain ko ngayon di lang kanin at sabaw.
Pagkatapos ng aking masarap na hapunan,
Pumunta ako sa aking higaan.
Nilatag ang banig at
isang pirasong unan,
Noong isang taon ko pa yata ito nilabhan.
Ako’y humiga at nagmunimuni,
Tanong sa utak niyo siguro ay marami.
Kung bakit,paano,saan nagsimula
Ang pagnanakaw ko sa
walang kaawa awa.
Bakit hindi ninyo ngayon
tanungin ,
Ang Diyos na sinasabi niyong siyang mahabagin.
Wala ni isa sa aking hiling ang tinupad,
Kaya sa ganitong sitwasyon ako napadpad.
Hinding hindi mawawala sa aking alala,
Noong kakatapos lang naming magsimba.
Napagdesisyunang magswimming sa laguna,
Para makapagsaya ang aking pamilya.
kumakanta ang aking limang taong gulang na anak,
Habang nasa biyahe labis ang kanyang galak.
Isang halik sa pisngi naman ang aking natanggap,
Mula sa aking asawang labis ang paglingap.
Sa mga pagkakataong hindi inaasahan,
Isang trak ang bumangga sa aming sasakyan.
Parang yuping lata daw ang kinalabasan,
Yung tipong hindi matatakasan si kamatayan.
Noong ako’y nagising agad ko silang hinanap,
“Diyos ko, bakit mo sila kinuha sa isang iglap”.
Napaluhod ako nang tumambad sa aking mata,
Ang kanilang mga
katawan na halos nanlalamig na.
Tanong ko ngayon, ako ba ay masisisi?
Kung gusto kong nakawin
kanilang pag aari.
Gusto kong maramdaman nila ang sakit
Ng taong halos mawalan na ng bait.
Matapos ang aking pag alala sa nakaraan,
Di ko namalayang nakatulog nanaman.
Saan ba ako makakabili ng isang pambura,
Na kayang burahin pati masasakit na alaala.
Alas singko ng umaga ay nakahanda na ako,
Dala ang bag at matalas na kutsilyo.
Nagaabang ng mananakawan sa monumento,
Yung mga naglalakad sa madidilim na kanto.
Sa di kalayuan ay mayroon akong nasilayan,
Babaeng nakaputi at naglalakad sa daan.
Agad ko siyang pinuntahan at sinungaban,
Tinutukan ng kutsilyo para siguradong walang laban.
“Ibigay mo ang pera at cellphone mo,
Kung ayaw mong buhay ang kuhanin ko.”
Humarap sa akin ang babae at ngumiti,
Labis akong nabahala sa kanyang sinabi.
“Masaya po ba kayo sa inyong ginagawa,
Na ang inyong pangkain ay galing sa masama?
Anak at asawa mo kaya ay natutuwa,
Kung ikaw ay nakikitang napapariwara?”
Isang mahigpit na yakap ang ibinigay niya sakin,
Sa sobrang gulat di ko napansin.
Bumaon na pala ang hawak kong patalim,
Kitang kita ang dugo kahit pa madilim.
“Mahal ka ng Diyos anuman ang iyong gawin,
Lumapit ka at siya’y lalapit din.
Gusto kong malaman mong pinapatawad na kita,
Alam kong hindi pa huli para magbago ka”
Luha sa mga mata ko’y di na makatiis,
Paano siya nakakapagpatawad ng mabilis?
Sa isang walang kwentang taong tulad ko,
Panginoon, Ganito ba ang pagmamahal mo?
Isang estranghero pa ang nadamay
Para maramdaman kong Ikaw ay tunay.
Ang pagmamahal mong akala ko’y huwad,
Ako ay nagsisisi na, Panginoon, Patawad.
Hinding hindi ko makakalimutan ang araw na ito,
Kadena ng demonyo sa akin tinanggal mo.
Binuksan mo ang bulag na mga mata ko,
Hindi matutumbasan ng pera ang kaligtasang ito.