Biyernes, Setyembre 25, 2015

“ Payong”

Bakit kailangang magkaroon ng Pakiramdam,
Bakit kailangan pa nating masaktan.
Sa bawat masasakit na salitang naririnig,
Binti at tuhod ko’y tila nanginginig.

Sa bawat malulutong na mura na aking natatanggap,
Wala  na lang akong magawa kundi magpanggap.
Magpanggap na tila ako’y isang manhid,
Kahit mga luha ko na sa mata’y nangingilid.

Hindi ko talaga maintindihan,
Ang dahilan ng galit payong lang naman.
Buong akala ko yun ay aking nawala,
Noong nahanap ko ,hindi ba dapat matuwa?


Pinatawag siya ng kaniyang Tiyahin,
Para daw sumbatan at murahin.
Hindi ko naman lubos na akalain,
Na ang dahilan ay ang payong pa rin.

Ang payong mula sa isang kaibigan,
Sampung taon na ang nakakaraan.
Kulay asul na mula sa Canada,
At ang tatak ay millennium pa.

Kaya pala si Papa ay labis ang galit,
Dahil sa isip niya ay hindi mawaglit.
Sinalo niya ang sumbat na dapat ay para sakin,
Mga sinasabi daw sakanya ay di ko kakayanin.

Ngayon ay nauunawaan ko na,
Kung bakit labis ang kanyang pagmumura.
Wala akong magagawa kundi tanggapin,
Dahil kahit ako ay may kasalanan din.

Hindi na ata mabilang ang “putang ina”,
Sa lutong ay parang chicharon na.
Mas gasgas pa yata sa lumang kanta,
Kapag  ang salitang “gago” sinasambit niya.


Pero kung iyong iaanalisa,
Parang O.A.yata ni lola.
Tila mas mahalaga pa ang payong niya,
Kaysa sa amin na matagal niyang hindi nakita.


Anu pa nga ba ang iba,
Eh ganun naman talaga ang ugali nila.
Relief goods nga na ipapadala,
Kung hindi sira, madalas expired na.

Nakakalungkot lang talagang isipin,
 kapag ang kamag anak mo’y ganyan din.
Hindi nila alam na ang tunay na mahalaga,
Ay hindi ang magagarang damit o  pera.

Salamat sa payong kung hindi ka nawala,
Hindi  kailanman magigising ang aking diwa.
Na wag tumulad sa kanilang halimbawa,
Malasakit sa pamilya, di dapat mawala.


















Huwebes, Setyembre 24, 2015

“ To my Future Boyfriend”

Kung sino ka man na mamahalin ko,
Mga sasabihin ko sayo ay isa puso mo.
Konting mga bagay lamang ito,
Malay mo hanggang sa huli  pala ay tayo.

Ayoko sa lalaking mas mahangin pa sa lobo,
Pati yung lalaking gusto lang ay puro Sogo.
Lalo na yung magyayaya sa mamahaling resto,
Hindi man lang sinasabing KKB pala tayo.

Hindi ako yung babaeng mahilig sa material,
Hindi din yung taong tumitingin sa pisikal.
Marami man akong crush na gwapo,
Magkaiba naman ang crush sa mahal diba po?.

Kapag nagtatampo gusto kong Makita ang effort mo,
kung paano mo tatanggalin ang init ng ulo ko.
 Parang si Alden kung magpacute ng todo,
Maiparamdam lang na ako ang Yaya DUB  mo.

Tuwing Valentine’s Day gusto kong magkasama tayo,
Hindi mo na kailangang bumili ng mamahaling regalo.
Yakap at ngiti mo lang solve na solve na ‘ko,
Mag iistargazing habang  nakahiga sa damo.

Yung lalaking hindi nagsasawang ipaalala sakin,
Na ang halaga ko raw ay parang bituin.
Malayo at napaka hirap abutin,
Kaya kailanman ay hindi pag iisipang  lolokohin.

Kaming mga babae mahilig sa sorpresa,
Yung magbibigay ng sulat nang di namin nakikita.
Yung nakahugis puso at mabangong papel pa,
Dulot nito sakin ay walang kapantay na saya.

Gusto ko yung lalaking kasing tapat ng araw,
Katulad noong siya palang ay nanliligaw.
Hindi pinapansin ang mga babaeng ligaw,
Na ang tanging hangad lang ikaw ay maagaw.

Ang gusto ko lang naman yung pahahalagahan ako,
Yung ipipilit na wag akong susuko.
Laging pinapaalala na kaya natin to,
Dahil ako lang ang gusto niyang makasama hanggang dulo.

Ako  yung tipong sweet kung magmahal,
Yung siguradong  ikaw lang walang sagabal.
Ipagmamalaki kita sa  harap ng barkada,
Hahawakan ang iyong kamay saan man magpunta.

Kaya hihintayin ko ang pagdating mo,
Kahit matrapik ka sa edsa, titiisin ko.
Dahil alam kong wala akong pagsisisihan
Kapag ikaw na ay aking nakamtan.

Sa ngayon aayusin ko ang buhay ko,
Tatapusin ang napili kong kurso.
Para pagdating mo ready na ako,
Mamahalin kita  pumuti man ang buhok mo.






















“Hiling ng Makasalanan”

Ako ay tao at ako’y makasalanan,
Kasalanang namana kay Eba at Adan.
Minsan ay pumapasok sa aking isipan
Ano kaya ang  mundo kung prutas ay di natikman.

Mananatili kaya tayong simple at  hubad ?
Yung Hindi humihiling ng cellphone at  ipad.
Makukuntento kaya tayo sa simpleng pamumuhay?
Yung sa hardin lang kukuha ng prutas at gulay.

Hindi na maibabalik ang nakaraan,
Kaya’t kasalanan nila’y atin ng pasan.
Mula pa nang ika’y nasa sinapupunan
At hanggang sa pagtawag ni kamatayan.

Nais ko tuloy bumalik sa pagkabata,
Nung ang puso’t isip ay malinis pa.
Walang bahid ng katampalasan
At ang mga sinasabi ay puro katotohanan.

Ngayon ay nasasadlak sa mundong ginagalawan,
Dahil sa aking sariling kagagawan.
Mga bisyo, lahat ay sinusubukan,
Sa paniniwalang buhay ay walang patutunguhan.

Sa bawat paggising bigat ng loob aking dala dala,
Tinatanong ang panginoon kung may kapatawaran pa ba.
Kung kasalana’y paulit ulit na ginagawa,
Kaluluwa ko siguro’y sinusunog na nga.

Ako’y napaluha sa nakitang  kasagutan,
Mula sa Bibliya ay aking nalaman.
Jesus ang natatangi niyang pangalan
At bumaba siya upang tawagin tayong makasalanan.

Ngayon ko lang naramdaman ang Pagibig na ganito,
Yung taong kayang ibuwis ang buhay para sayo.
Yung pag ibig na bubuo sa pagkatao mo,
Yung pag ibig na walang hinihiling na kahit ano.


Palagi kong tinatanong sa iyo, Diyos ko,
Kung bakit patuloy pa din ang pagmamahal mo.
Sa hindi mabilang na kasalanan ko,
Lahat na yata ng santo  sa akin ay susuko.


Nabagbag ang aking damdamin sa sagot mo;
 “Anak, Hindi magbabago ang pagmamahal ko sayo
Dahil gusto kitang isama sa aking paraiso,
Pupunasan ko ang bawat luha sa mga mata mo
Dahil ayokong nalulungkot ka anak ko”

Pagtangis ko ay hindi na napigilan
Parang posporo na agad sinindihan.
Namamayani sa puso ko’y kapayapaan,
Labis na kasiyaha’y walang paglagyan.

Tunay na Naliwanagan na ang pag iisip ko
Ang nais kong makamtan ay ang yakap mo.
Makita ang pangako mong paraiso,
Kasama ang pamilyang minamahal ko.

Ang aking hiling habang nasa mundo,
Sa araw araw sana’y pagpasensyahan mo .
Bigyan ng lakas para labanan ang tukso,
 Nang Mabuhay ng tuwid at nakalulugod sa iyo.







“Makatang Sugatan”

Pangalan mo’y kapareha ng isang bayani,
Ngunit bakit tila Hindi kita kakampi.
Sa bawat patak ng luha sa aking mga mata,
Sa labi mo naman ay maaaninag ang saya.

Ito ba ang kapalit ng pag ibig ko,
Na walang ginawa kundi ipaalala sa’yo.
Kung gaano ka kaperpekto sa mga mata ko,
At ngiti mo lang sa araw ko’y kumukumpleto.

Akala ko sa ikalawang pagkakataon ako na ang mahal mo,
Pagkat sabi mo lagi mong nakikita ang mukha ko.
Hindi ko alam kung ito’y sinsero
O gusto mo lang ulit paasahin ako.

Sa mundong ito hindi ko akalaing makikilala ka,
Dahil sa Facebook at chat nagsimula ang ligaya.
Ligayang akala ko’y tunay.
Ligayang akala ko’y pang habang buhay.

Paano mo nasabing mahal mo ako
Kung sa bawat minuto siya ang iniisip mo.
Ayaw mo akong hawakan Dahil ayaw mo akong masaktan,
Pero  sa ginagawa mong pambabalewala ang puso ko’y nasusugatan.


Hindi ko hiniling ang muling pagpaparamdam mo
Dahil akala ko’y tapos na tayo.
Hindi kaba nagsasawang  patayin ako?
O gusto mo pa akong durugin ng pino?

Palaging naitatanong sa sarili ko,
Anu nga ba ang meron sa babaing ito.
Nakabili ba siya ng makapangyarihang gayuma,
Kaya hanggang ngayon sa kanya ka nahahalina?

Dahil ba sa singkit ang kanyang mga mata,
O sa dimples niyang kasing lalim ng banga.
Sabi nila ako naman daw ang mas maganda,
Pero baliwala kung siya pa rin ang sinisinta.

Hindi ko maintindihan dahil kahit anong gawin ko,
Hirap akong makuha ang tiwala mo.
Hindi pa ba sapat na lahat ay binigay ko,
O gusto mo pang makitang nag  aagaw buhay ako.

Lahat ng numero mo sa akin ay burado na,
Pero bakit kay hirap burahin ng alala?
Sana pala ako’y nagpakipot muna
Para kahit paano ay nanghinayang ka.

Siguro nga tama ang sinasabi nila,
Na sa lahat ng tao ay may nakatakda.
Kahit sobrang pagmamahal ang iyong inaalay,
Kung mali naman ang tao, wala din itong saysay.

Sana nga ay natuturuan ang puso,
Para matapos na ang matagal na pagdurugo.
Ibubulong kong “itigil mo na ‘to,
Wag kang magmahal ng manhid na tao.”

Ngayon ay umaasa ako sa oras,
Na sakit ng kahapon kusa ding lilipas.
Ang Paglimot sa’yo ay hindi madali
Dahil umaasa pa din na ika’y mananatili.

Sa munting tula kong ito ipaparating sayo,
Ang mga bagay na hindi ko masabi sa harap mo.
Mamimiss ko ang lahat lahat saiyo
Pero panahon na para sabihing “Paalam na Mahal Ko”



“ Tula para sa mga Insecure”

Paggising mo agad sa umaga,
Mga ayaw sa sarili ang iyong nakikita.
Hinihiling na sana salamin ay di naimbento,
Para sa paningin mo ay hindi ka dehado.

Sinimulan mong tignan ang iyong buhok,
Sinusuklay suklay ang bawat sulok.
Naiinis ka dahil kahit anong gawin,
Mga tikwas sa dulo di kayang alisin.

Ngayon minasdan mo ang iyong kabuuan
Tanong sa sarili  “ ba’t tumataba nanaman,
Pagkain ko nga sa tanghali biscuit na lang,
O baka oras ng pag eehersisyo ko ay kulang”.

Atensyon ay napunta sa iyong kilay
Sa kapal ay parang may sarili nang buhay.
Daig pa ang  lupang nilagyan ng pataba,
Naikumpara mo  pa sa kilay ni kampanerang kuba.

Pagtapos, ilong mo naman ang iyong napansin,
Kahit anong pagpisil mo nananatiling pango pa rin.
Namumroblema kung anong dapat gawin,
Nagawa mo na lahat pati pagsipit ng madiin.

Sinubukan mong ngipin ay ipakita,
Baka sakaling magkaroon ng himala.
Sungki sungki sa taas at sa baba,
Mas maayos pa yata ang ngipin ng daga.

Pumapasok sa iyong isip na kung ikaw sana’y maputi,
Baka may magkagusto pa sa’yo kahit konti.
“bakit kasi kay itim ng aking kutis,
Baka pati si Belo maubusan ng pangkiskis”.

Kapag ikaw ay naglalakad sa daan,
Pakiramdam mo’y nakatingin sila sa iyong kapangitan.
Bakit kasi hindi naging kasing kaganda ni Julia
O kahit kasing tangos ng ilong ni Liza.

Hindi mo ba napapansin,
Na ang lumalait sa sarili mo’y  ikaw din.
Naiingit ka sa katangian ng iba,
Kaya sariling kagandahan ay hindi nakikita.

Kung may mga tao mang nangaalipusta sayo,
Wala ang problema sa  itsura mo.
Kapangitan nila ay nasa kanilang puso,
 unti unting sumisira sa kanilang pagkatao.

Kung wala mang nagkakagusto sayo ngayon,
Ay maghintay ka lang sa tamang panahon.
Yung taong sa kanya ikaw ang pinakamaganda,
Kahit meron ka pang muta sa mata.

Isipin mo na lang ang mga taong pinagkaitan,
At kulang ang mga parte sa katawan.
Hindi ba’t nananatili silang masaya,
Ikaw na kumpleto, bat nalulungkot ka?


Sana alam mong maganda ka,
Dahil gawa ka ng dakilang lumikha
Tandaan mong hindi siya tumitingin sa mukha,
Kalinisan ng puso  mo ang kanyang nakikita.